ALAM KAYA NG MGA JEJEMONS NA SILA MISMO AY MGA JEJEMONS???
Pag-unawa, halimbawa, na ang unang pangungusap ng piyesang ito—“ ALAM KAYA NG MGA JEJEMONS NA SILA MISMO AY MGA JEJEMONS??? “—ay isang pangungusap na gumagamit ng dobleng pamantayan sa pluralisasyon at sobra-sobrang tandang pananong kung balarila/grammar lang naman din ang pag-uusapan. Alam kaya ng gumawa ng Fanpage na ito ang ganitong pagkukulang? Alam kaya nila na ang ganitong pagkukulang din, ang pagkukulang sa usapin ng wika, ang isa sa mga palaking pagkukulang na pinapansin din nila, pinapansin sa punto ng panlilibak, ng magaspang at walang patawad na pag-atake? Sila, sila na kung tawagin ay JEJEBUSTERS, alam kaya nilang ito ang tawag sa kanila?
Kung ang iba’y hindi, may ilan na isang malaking OO ang sagot. Nandito na sila’t ready to roll whenever somebody talks strange on the Internet, pinaghalong mga tagline mula sa pinaglumaang pelikulang “Ghostbusters” at “Transformers.” Ang isa’y nagawan na ng remake, at ang isa’y gagawan pa lang. Posible kayang ang Jejebusters ay paulit-ulit lang na kopya ng nakaraan at mga dayuhang bayan?
Posible. Tulad ng posibleng makikilala ang isang nilalang sa pamamagitan ng pagtatambal nito sa kanyang ipinagpapalagay na kalaban, sa grupong tinatangkang puksain.
Ano ang mga katangiang hinuhuli ng isang Jejebuster? Posibleng alinman sa sumusunod: 1. Mali-maling paggamit ng wika, pwedeng sa Filipino, madalas ay sa Ingles, pwedeng pareho, may kaugnayan sa spelling o baybay, o kaya’y sa mga dagdag o binawas na titik, sa mga pagpapaiksi o pagpapahaba ng mga salita na labas sa mga nakasanayang text speak o chat speak; 2. Pisikalidad, maaaring sa pisikal na kasuotan, sa mga gamit na kayang bilhin, sa moda ng transportasyon na nasasakyan, sa mga pagkaing pinipili/kayang kainin; 3. Sa talino, talino sa English language (ito kaya ang paliwanag kung bakit sa wikang Ingles nagpapaliwanag ang Jejemon information video na ito?), o simpleng talino lang, kung may ganoon nga talaga, iyong “simpleng” talino, kasi, ayon sa paliwanag ng isang posibleng Jejebuster, “it seems that their kind is simply dumber;” 4. Baryasyon ng mga nauna, pinaghalo-halo o binawas-bawasan, malamang na kung ano ang ipinagpapalagay na katangiang wala o meron sa isa’y iniisip na meron o wala naman sa kabila.
Ano ang mga posibleng reaksyon ng isang posibleng Jejebuster? Maraming posibilidad. Pwede ang simpleng aliw, matawa nang kaunti sa pagkakataong makabasa ng isang artikulo o Social Networking comment, o makakita ng Internet meme tungkol sa Jejemon, o makapanood ng video tungkol dito, matawa at ipasa sa iba. Pwedeng mainis, sa sobrang inis, at tutal ay mukhang marami namang oras at may kaalaman para sa photomanipulation at video editing, tutal ay may mabilis na Internet connection naman, posible ring hindi lang nakikirenta kundi sariling koneksyon, tutal ay mayroon ng lahat ng ginhawang ito’y makalilikha siya/sila ng multimedia na representasyon nitong kolektibong pagkainis, mga representasyong makikita ng iba’t pagtatawanan o/at kaiinisan o/at ipapasa sa iba. May ibang maghahayag ng iba’t ibang anyo ng pangungutya, ihahanda ang kanilang mga birtuwal na Jejedex at Jejeball, huhulihin at tatatakan ang mga taong mapagkakasunduan nila bilang “kalaban.” Ang iba, naghahayag ng mas marahas na panawagan. Patayin. Patayin ang lahat ng kaaway. Puksain ang Jejemon, ito ang gawain ng isang Jejebuster. Tulad noong mga panahong inilalarawan sa ilang bahagi ng bibliya, na kung sino ang matatakan bilang makasalanan ay pinauulanan ng bato, o, kung mas higit ang iginagawad na bintang, ipinapako sa krus.
Magkakasundo-sundo ba ang lahat ng suspected Jejebuster sa mga kahon at bintang na ikinukulob sa kanila? Kaya rin ba silang ipako sa iisang krus? Posible, pero malabong mangyari nang agad-agad. Patunay ang magkakaibang atake sa mga komentong gaya nito:
“hindi nagagalit ang maraming tao sa jejemon dahil hindi sila sosyal..o poor sila...nagagalit kami kasi ipinangangalandakan nila kung gaano sila kabobo...gusto nila maging tanga at bobo at inuumpisahan nila sa mali-maling paraan ng pagtitext..akala nila nakakatuwa ang pauso nila.....para sa kanila pag bobo ang asta mo e cool ka....at pag mejo me alam ka ng konti at pulido ang pakikipag-usap mo....hate na agad nila yun.....kaya mas bobobohan pa nila ang text nila...mas bobo ang dating....mas inaakala nilang in sila...at unique......kung ako ang magulang ng mga ito...hindi ko hahayaan na maging jejemon ang isang bata....dahil ayokong dumami ang bobo sa mundo....kung bobo ka.....wag mo ng i display...sumimple na lang at magpakumbababa....wag ng maging proud na bobo ka....”
“hindi naman repleksyon ng kakulangan ng kalidad sa edukasyon yon or kamalian sa tamang grammar. ayaw lang nila ng order na nagaganap sa kasalukuyan kaya gumagawa sila ng paraan para i-counter ito. subconsciously, may order kaya nagkakaintindihan ang mga jejemons kahit sa iba't ibang bahagi pa sila ng lungsod o bansa nagmumula. parang gay language, may variation pero hindi natin tamang isisi sa sistema ng edukasyon o sa pagsasabing mali ang grammar nila.”
“kanya kanya lang trip yan, kung yun ang trip nila bahala sila, basta sake'y wala yun! saka hindi naman ikakayaman ng bansa natin ang pagkawala nila at kung mananatili man sila sa kanilang style ng pagttxt. try na lng nating intindihin ang mga kabataan ngayon na kung siguro (siguro lang ha?) nasa generation tayo nila, baka jejemon din ako, ikaw, tayo at sila.”
“KAW LANG WTF ! ISASAMA MO PA KAMI SA PAGIGING JEJEMON MO UL*L KA !”
“And oh, by the way, not to brag or anything, i just want to make a point here, I pretty much have a lot of money, and my friends too, but we LOVE eating in Jollibee. Whoever says Jollibee is only for the poor? Tssss. This blog is just wrong..very wrong.”
Halo-halong mga komento o puna mula sa halo-halong grupo ng mga taong gaya nating lahat, mga taong may panahon at ginhawa para magbasa at makapagbigay ng opinion, sa isang birtuwal na espasyo na ang pinakaraming hits ay ang artikulo sa Jejemon, na susundan ng artikulo tungkol sa politikong lumaki sa hirap, na susundan ng artikulo tungkol sa reality show, na susundan ng artikulo tungkol sa isa na namang politiko, na susundan ng isa na namang artikulo sa Jejemon.
Baka tama nga ang sabi ng isang net user, “is it me or nagiging overrated na ang salitang jejemon?”
Samantala, habang nag-iisip ang bawat isa ng mga pwedeng itugon sa piyesang ngayon ay inyong binabasa, habang nagtatangkang makabuo ng mga tugon sa mga tanong at punang naibato, habang nag-iisip din ako ng mga posibleng itugon sa mga komentong personal kong ikinatuwa o kinainisan, umaandar ang mga araw at umaalpas ang maraming mga istorya sa ating kanya-kanyang kamalayan: ang militar at ang Morong 43, ang mga Ampatuan, si Gloria. Ano’t hindi natin maipukol ang mga Jejedex at Jejeball natin sa kanila?
Mukhang marami tayong maisasagot, mukhang marami tayong maidadahilan. Pero malamang, sa isang tagong sulok ng malawak na uniberso, may isang Jeje-God na tumatawa ng isang malutong na “JEJEJEJEJEJE” sa lahat ng ginagawa’t gagawin nating mga paghuhugas-kamay.
No comments:
Post a Comment